Humahabol sa ‘biyahe’

Dear Dr. Love,

Hindi po tungkol sa akin ang isasangguni ko sa inyo, kundi sa aking ate na nai-in love sa kanyang personal driver, na bata sa kalahati ng kanyang edad.

Ayaw ko po sanang manghimasok sa puso ng aking ate, pero dahil sa pangamba ng mga nakakatandang kamag-anak sa maaari niyang kauwian sakaling ginugulangan lang siya ng kanyang lover.

Malapit na pong magretiro ang aking kapatid sa paaralan na nasa aming poblacion kung saan siya nagtuturo. Tumandang dalaga siya dahil sa pag-asang darating ang kanyang “Mr. Right” bago pa mawala sa kalendaryo ang kanyang edad.

Minabuti kong kausapin si ate at magpagunita. Pero ang sabi niya, kahit man lang daw biyaheng Bicol express nais niya ang umibig at ibigin.

Kinausap ko rin ang driver niya na si Dindo para alamin kung ano ang plano niya dahil si ate na lang ang tampulan ng tsismis sa aming lugar. Wala naman daw silang usapan ng aking ate na magpakasal, live-in partner lang siya ng kapatid ko.

Paano ba ang dapat ‘kong gawin? Payuhan mo po ako. Hindi ko nais na galitin o sumama ang loob ng kapatid ko dahil mahal ko siya.

Maraming salamat, Dr. Love.

Sincerely,

Delfin Hernandez

Dear Delfin,

Nasa hustong edad na ang kapatid mo. Pagunita na nga lang ang puwede mong gawin sa kanya.

Kung ayaw ng lalaking magpakasal sa kapatid mo dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hindi naman siya puwedeng pilitin.

Ang maaaring malaking isyu na lang ay ang usaping moralidad dahil isang teacher ang ka­patid mo at baka makaapekto ito sa kanyang professional standing sa paaralan at sa tinuturuan niyang mga estudyante.

Muli mo silang kausapin sa puntong ito para maiwasan ang isyung legal. Kung tunay ang kanilang pagmamahalan, gagawa sila ng aksiyon para gawing lehitimo ang kanilang pagsasama sa iisang bubong kahit Mayo at Disyembre ang kanilang agwat ng edad.

Pero kung ayaw pa rin nilang pakasal, makabubuting  hindi mag-stay in ang driver na lover ng utol mo para hindi makaiskandalo sa publiko.

Malapit na kamong magretiro ang kapatid mo. Sasayangin pa ba niya ang kanyang pinaghirapang propesyon at mawalan ng benepisyo? Ka­ilangang maging praktikal ang isang tao.

Dr. Love

 

Show comments