Ngayong Pasko: Kapatawaran ang hangad

Dear Dr. Love,

Bumabati po ako sa inyo ng isang maliga­yang Pasko at Manigong Bagong Taon! Sana po ang hatid na tuwa at biyaya ng Pasko ay maging daan sa matagal ko nang idinadalangin na pagpapatawad ng aking pamilya. Sinadya ko po na i-timing ngayong Disyembre ang aking pagsulat sa pag-asang lumambot ang puso sa akin ng aking mga anak dahil sa mabigat kong pagkakasala sa kanila.

Nasira po ang aming pamilya dahil sumama ako sa ibang lalaki. Ang masaklap pa po ay ikinamatay ito ng aking asawa. Inatake siya sa puso dahil sa sobrang sama ng loob. Ang mga magulang ng aking asawa ang kumalinga sa tatlo kong anak na ngayon ay may kani-kaniya nang pamilya.

Matagal ko nang pinagsisihan ang lahat, Dr. Love. At sa paniniwala ko po ay pinarusahan na ako matapos magkamalas-malas ang aking buhay. Hindi rin nagtagal ang relasyon namin ng kinasama ko.

Alam ko po na alam ng aking mga anak na bumalik ako sa lugar na kinalakihan ko at nakikitira sa bahay ng mga pumanaw kong magulang.

Umaasa po ako na mapapatawad ako ng aking mga anak para magkaroon ako ng pagkakataon na makapiling ang aking mga apo.

Gumagalang,

Francisca

Dear Francisca,

Huwag kang mawalan ng pag-asa. Huwag mong hintayin na sila ang unang gumawa ng hakbang para kayo ay magkita-kita.

Yaman lang na tanggap mo namang ikaw ang may kasalanan sa damdaming nalikha ng iyong sala sa puso ng iyong mga anak, kahit ikaw ang kanilang ina, marahil kaya mong isuko ang sarili para mapatawad ka nila.

Malalim ang nalikhang sugat sa puso ng iyong mga anak nang ginawa mong kasalanan. Hindi agad ito magagamot sa madaling panahon dahil nag-iwan ito ng maraming masasakit na alala sa kanila, kasama na doon ang pagyao ng iyong asawa.
 Sa Paskong ito, hindi masama ang umasa at kung hindi man mangyari ang ninanais mo, marami pang Pasko ang darating at patuloy kang dumalangin para sa katuparan ng iyong mithiin.
Nawa’y matagpuan mo ang kapayapaan ng damdamin sa Paskong ito.

DR. LOVE

 

Show comments