Dear Dr. Love,
Marahil ay Pasko na kapag nailathala mo itong sulat ko kaya hayaan mo munang bumati ako sa iyo ng Merry Christmas pati na sa mga laging sumusubaybay ng iyong column.
Siyanga pala, tawagin mo na lang akong Cora, saleslady sa isang tanyag na mall sa Cavite. Ako ay 23-anyos at dalaga pa.
Noong 20-anyos ako ay nagkaroon ako ng kasintahan. Tawagin mo na lang siyang Lando. Matapos ang tatlong buwan ng aming relasyon, umalis siya ng bansa patungong Italy para magtrabaho doon.
Bago siya umalis, naibigay ko sa kanya ang aking pagkadalaga. Sabi niya, ‘yun daw ang ipabaon ko sa kanya.
Pero nang nasa Italy na siya ay wala na akong nabalitaan tungkol sa kanya. Wala akong mapagtanungan dahil hindi ko kilala ang mga magulang niya o kahit kaibigan. Nagkakilala lang kasi kami nang namimili siya sa mall na pinaglilingkuran ko.
Hanggang ngayon ay hinihintay ko pa rin siya at kahit maraming nanliligaw sa akin ay hindi siya mawala sa puso ko.
Tama po ba ang ginagawa kong paghihintay?
Cora
Dear Cora,
Malamang ay naisahan ka ng lalaking iyan. Malay mo kung talagang nasa Italy siya. Palagay ko’y mistula kang nabudul-budol.
Kaya ang masasabi ko ay ituring mo na lang iyan na masaklap na kabanata ng iyong buhay at sana’y natuto ka ng leksyon para huwag nang mangyari sa iyo ang ganyang panloloko.
Dr. Love