Dear Dr. Love,
Pagkaraan po ng maraming taon, ngayon ko lang maipapaabot ang aking malaking pasasalamat sa inyo sa nagawa ninyong tulong sa akin sa pamamagitan ng inyong payo.
Kung natatandaan ninyo, lumiham po ako sa inyo at idinulog ang aking problema sa pag-ibig. Tatlong taon pa lang noon nang pumanaw ang aking maybahay sa gulang na 35 taon.
Ipinangako ko sa kanya noon na kasama niyang namatay ang aking puso. Kaya hindi na ako hahanap ng ibang babae na mamahalin. Pero nabali ito nang makilala ko si Daliah. Niligawan ko siya at nagkaroon kami ng relasyon. Nagbunga ito, Dr. Love.
Una kong pinagdudahan ang tungkol dito dahil sa pagkakaalam ko ay baog ako, kaya hindi kami nagkaanak ni Maritess. Pero pinatunayan ng doctor na tumingin sa akin na may kakayahan akong magkaanak. Dahil dito, na-realize ko na ang sumakabilang-buhay kong asawa ang may deperensiya. Napatawad ko na po siya sa paglilihim niya nang tungkol dito sa akin.
At gaya po ng payo ninyo, Dr. Love, binalikan ko si Daliah, pinakasalan at binigyan ko ng pangalan ang sanggol. Dalawa na po ang anak namin ngayon at maligayang-maligaya ako sa ikalawang pagkakataon na ibinigay sa akin ng tadhana para makatagpo ng babaeng magmamahal sa akin ng labis.
Maraming-maraming salamat po Dr. Love at ang misis kong si Daliah ay nais ding magpaabot ng kanyang pagbati.
Mabuhay po kayo at God bless you.
Gumagalang,
Leo
Dear Leo,
Ipagpaumanhin mo dahil marahil sa tagal nang lumipas at sa dami ng mga lumiliham ay hindi ko na matandaan ang tungkol sa naunang pinadala mo.
Gayon man, nakakataba ng puso na malaman, sa maliit na paraan natin ng pagpapayo ay nagiging bahagi tayo para mapabuti ang buhay ng ating kapwa.
Salamat din sa pagtitiwala mo sa pitak na ito. Nawa’y patuloy na lumago ang pagmamahalan sa inyong pamilya. God bless you.
Dr. Love