Hinahanap-hanap ang ex
Dear Dr. Love,
Alam ko po na malaking kabaliwan ang magkaroon uli ng puwang sa isip ko ang aking ex-boyfriend dahil may sarili na akong pamilya.
Sampung taon na ang nakakalipas Dr. Love nang maikasal kami ng asawa ko nang mula sa probinsiya ay sa Maynila kami nanirahan. ‘Yun na din ang huling pagkakataon na nakita ko ang aking kababayan na si Louie.
Naging kami noong high school. Nagkahiwalay kami dahil hindi po ako handa sa inaalok niyang kasal. Patapos ako noon sa kolehiyo. Nag-abroad po siya para magtrabaho at siya namang pagkakakilala namin ng aking mister. Okey naman po ang pagsasama namin kasama ng aming isang anak.
Pero nitong nakaraan ay umuwi ako sa Bisaya at nalaman kong hiwalay na si Louie sa kanyang kinakasama. Madalas po siyang nangangamusta, tumatawag at nag-aayang lumabas for “old time sake.” Masaya po ako kapag kasama ko siya at nangangamba po ako dahil hinahanap ko ang mga masasayang kuwento niya.
Dapat ko na po bang putulin ang pakikipagkaibigan uli sa kanya? Normal lang po ba ang nararamdaman kong damdamin uli para sa kanya?
Maraming salamat po sa pagtunghay ninyo sa liham ko at hihintay ko ang payo ninyo.
Gumagalang,
Fraida
Dear Fraida,
Kung hindi lang din plane friend ang sa tingin mo ang maaaring mamagitan sa inyo ng ex-boyfriend mo, pinakamabuti na huwag ka nang makipagkita o makipag-ugnayan sa kanya. Dahil ilalagay mo lang sa alanganin ang sarili mo, maging ang iyong pamilya.
Hindi lang ikaw ang maaaring matukso, kundi maging si Louie. Kaya lumagay ka lang sa iyong limitasyon. Dahil hindi na tamang buhayin pa ang ano mang naging pag-uugnayan ninyo ni Louie noon. Magiging unfair ka sa iyong asawa at anak.
Dr. Love
- Latest