Hindi matanggap ang pagkawala ng ama

Dear Dr. Love,

Hanggang ngayon ay hindi pa po matanggap ng aking nag-iisang anak ang pagpanaw ng kanyang ama kahit maraming taon na ang nagdaan. 

Disisyete anyos na po ngayon si Marc, nalaman ko ang saloobin niya nang tawagan ako ng aking nakakatandang kapatid na siyang nakabasa ng nakakaiyak na pagtawag ng aking anak sa kanyang ama at pag-aalay ng karangalan niya sa nalalapit na pagtatapos sa high school.

Hiwalay na kami ni Dave, sampung taon si Marc noon nang pumanaw siya dahil sa sakit na cirrhosis. At ikinasal naman kami ni Sam nang yumao na ang asawa ko. Hindi na kami nagkaanak at alam kong itinuturin niyang tunay na anak si Marc.

Pero sa kabila nito, napuna ko na malayo ang loob ng anak ko sa kanyang step-father kahit na hindi niya ito ipinahahalata sa amin.

Bakit po kaya may hinanakit pa hanggang ngayon ang anak ko? Kapag tinatanong ko naman si Marc kung ano ang problema niya, wala naman anya. Ang pagiging istrikto kaya ni Sam sa pagpapalaki kay Marc ang dahilan?

Payuhan mo po ako Dr. Love. Kailangan ko kayang patingnan sa doktor ang anak ko?

Maraming salamat po at sana mabigyan ninyo ng kaliwanagan ang problema kong ito.

Gumagalang,

Melissa

Dear Melissa,

Malinaw sa sulat mo na nawalan ka ng sapat na atensiyon para sa iyong anak, dahil sa kapatid mo pa nalaman ang kanyang niloloob kaugnay sa mga nangyari sa inyong pamilya.

Hindi magiging sapat ang basta pagtatanong mo lang sa kanya. Sikapin mo na mabawi uli ang loob niya. Magkaroon kayo ng bonding mo­ ments na mag-ina. Kapag nagawa mo ito, ma­kikita mo na unti-unti ay magiging open sa iyo ang anak mo. Saka mo ipaliwanag sa kanya ang mga bagay na sa tingin mo ay makakatulong para mawala ang hinanakit niya. Mahalaga ang quality time lalo na sa mga nagdadalaga at nagbibinata ng anak, kaya pagtuunan mo ito ng pansin. 

Kung magawa mo ito at wala pa ring pagbabago, saka mo ikonsidera ang pagsangguni sa isang professional health care provider.

Dr. Love

Show comments