Dahil sa problema sa memorya
MANILA, Philippines — Muling iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahihirapan ang kanilang kliyente na makalahok sa pagdinig ng kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y mga problema sa memorya at iba pang cognitive functions.
Sa pre-trial filing na may petsang Nobyembre 25, sinabi ng mga abogado ni Duterte na natuklasan sa mga isinagawang pagsusuri na mayroon siyang malubhang kahinaan sa atensyon, panandaliang memorya, paghahanap ng tamang salita, at kakayahang magplano at magdesisyon.
Ayon sa depensa, labis na limitado ang kakayahan ng dating pangulo na makibahagi sa paghahanda ng kanyang depensa, lalo na sa pagrepaso ng mahigit 62,000 ebidensyang nakapaloob sa kaso.
Iginiit ng mga abogado na nahihirapan umano si Duterte na magbigay ng makabuluhang tagubilin sa kanyang legal team at halos wala nang naiaambag sa pagbuo ng kanyang depensa.
May mga pagkakataong hindi umano matandaan ng dating pangulo ang mga nakasalamuha niya kamakailan, kabilang ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at maging ang mga abogadong regular na bumibisita sa kanya.