'Tabla, hindi talo vs Duterte slate' — Alyansa exec

MANILA, Philippines — Dumepensa ang campaign manager ng senatorial candidates ng Marcos administration laban sa mga pahayag na natalo ang kanilang Alyansa sa katatapos na halalan sa pagka-senador.
Ayon sa ni Rep. Toby Tiangco, campaign managayer ng Alyansa, tabla at hindi pagkatalo ang naging resulta ng laban laban sa mga kandidatong sinuportahan nina dating Presidente Rodrigo Duterte at Bise-Presidente Sara Duterte.
Batay sa pinal na tala, lima sa mga nangungunang 12 senador ay malinaw na kaalyado o suportado ng Duterte camp: sina Bong Go, Bato Dela Rosa, Rodante Marcoleta, Camille Villar, at Imee Marcos.
Gayundin, limang kandidato mula sa Alyansa ng administrasyon ang nanalo: sina Erwin Tulfo, Ping Lacson, Tito Sotto, Pia Cayetano at Lito Lapid.
Ayon kay Tiangco, ang resulta ay nagpapakita ng balanseng komposisyon sa Senado, at hindi isang panalo o pagkatalo ng alinmang panig.
Dagdag sa komplikasyon ng resulta ang pagkapanalo nina Kiko Pangilinan at Bam Aquino, mga beteranong politiko na hindi tuwirang konektado sa Alyansa o sa Duterte slate. Ang kanilang pagkakasama sa top 12 ay naging hadlang sa pagkakaroon ng dominasyon ng alinmang kampo.
Ipinaliwanag ni Tiangco na ang mahigpit na labanan sa Senado ay repleksyon ng pagkakahati ng damdamin ng mga botante matapos isulong ng Kamara ang impeachment laban kay VP Sara Duterte. Aniya, mula siyam na malalakas na kandidato sa Mindanao, apat na lang ang natirang may solidong suporta dahil sa isyu ng impeachment, dahilan kung bakit kakaunti ang naging kampanya sa nasabing rehiyon sa katimugan.
Aminado si Tiangco na naapektuhan ang tsansa ng kanilang mga kandidato sa Mindanao dahil sa impeachment, maliban sa mga lokal na kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas na lamang sa mga panalo sa ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“Kung ipipilit ng ilan na talo ang Alyansa base sa resulta ng halalan, hindi iyon ang tamang interpretasyon. Hindi man namin na-domina ang top 12, pero hindi rin ito nangahulugang kami ay nabigo,” giit ni Tiangco.
- Latest