‘Magic 12’ senators ipoproklama ngayon

Partylist winners sa Lunes
MANILA, Philippines — Ipoproklama na ngayong Sabado, Mayo 17 ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 kandidato sa pagka-senador na nagwagi sa katatapos na May 12, 2025 midterm polls.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang proklamasyon ?sa 12 bagong senador ay isasagawa alas-3 ng hapon sa Manila Hotel Tent City, kung saan isinagawa ang canvassing.
Pinadalhan na aniya nila ng imbitasyon ang mga naturang senatoriables upang dumalo sa proklamasyon.
Sa tally ng National Board of Canvassers (NBOC), si reelectionist Senator Christopher “Bong” Go ang nanguna sa botong 27,121,073, na pinakamataas sa kasaysayan ng senatorial race.
Pumangalawa si Bam Aquino (20,971,899); kasunod si Ronald dela Rosa (20,773,946); Erwin Tulfo (17,118,881); Francis Pangilinan (15,343,229); Rodante Marcoleta (15,250,723); Panfilo Lacson (15,106,111); Vicente ‘Tito’ Sotto III (14,832,996); Pia Cayetano (14,573,430); Camille Villar (13,651,274); Lito Lapid (13,394,102) at Imee Marcos (13,339,227).
Nitong Huwebes ng gabi pormal na natapos ng Comelec ang official tally ng 175 certificates of canvass (COC) para sa midterm elections. Inabot lamang ng tatlong araw ang canvassing, na pinakamabilis na isinagawa ng Comelec sa kasaysayan ng halalan sa bansa.
Gayunman, nilinaw ng poll body na ang mga boto at ranking ay hindi pinal at isasailalim pa sa auditing.
Samantala, itinakda naman ng Comelec ang proklamasyon ng mga nanalong partylist groups sa halalan sa ?Lunes, Mayo 19.
Ang Akbayan partylist na nakakuha ng 2,779,621, ang nanguna.
Pasok rin sa Top 15 ang Duterte Youth (2,338,564 boto); Tingog partylist (1,822,708), 4Ps partylist (1,469,571); ACT-CIS (1,239,930); Ako Bicol (1,073,119); Uswag Ilonggo (777,754); Solid North Partylist (765,322); Trabaho (709,283); CIBAC (593,911); Malasakit @ Bayanihan (580,100); Senior Citizens (577,753); PPP (575,762); ML (547,949); at FPJ Panday Bayanihan (538,003).
- Latest