‘Alyansa’ ihahataw kampanya sa malaking balwarte sa ‘Solid North’
MANILA, Philippines — Nakatakdang dalhin ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang powerhouse Senate slate na iniendorso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang buong puwersa ng kampanya nito sa Pangasinan ngayong Biyernes (Abril 25), bilang pagpapasigla sa “Solid North” sa ika-apat na probinsiya na may pinakamaraming botante sa buong bansa.
May mahigit 2.15 milyong rehistradong botante ang Pangasinan, kabilang na ang component city ng Dagupan, at nakapagtala rito ng 87.18% turnout noong 2022, kaya’t nananatili itong isa sa mga pinakamahalagang lalawigan tuwing halalan.
Ang probinsiya ay nagbigay ng 1.29 milyong boto para kay Pangulong Marcos noong 2022 elections o higit limang beses kaysa sa nakuha ng kanyang pinakamalapit na karibal.
Ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa, ang kanilang lakad sa Pangasinan ay malinaw na indikasyon ng layunin ng koalisyon na patatagin ang suporta sa gitna ng Hilagang Luzon.
Binubuo ng Alyansa ticket ng matitibay na pangalan sa serbisyo-publiko at karanasan at ito’y kinabibilangan nina dating Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, dating Department of Social Welfare and Development Sec. at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, at House Deputy Speaker Camille Villar.
- Latest