MANILA, Philippines — Trabaho lang ang ginagawa ng gobyerno at walang pulitika.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nananawagan ng People Power.
Sinabi ng Pangulo na walang kinalaman sa politika ang lahat ng mga naging kaganapan sa dating presidente kaya hindi niya makita ang lohika ng ipinagngingitngit ng mga supporter nito.
“The government is just doing its job. It’s not because it’s one person or another that we do the things that we do,” saad ng Pangulo.
Paliwanag pa ni Marcos, walang political persecution na nangyari kay dating pangulong Duterte, dahil 2017 pa aniya ang kasong crime against humanity nito noong miyembro pa ang Pilipinas sa ICC at ginawa ito noong hindi pa siya presidente.
Kaya hindi aniya pumapasok dito ang politika dahil hindi naman kandidato ang dating presidente ngayong eleksyon.
Natural lamang aniya na lagyan ng tao ng kulay politika ang isyu subalit nakipagtulungan lamang aniya sila sa Interpol dahil sila rin ang tumutulong sa ating mga kababayan na inaapi at ginagamit sa masamang paraan.
‘Yun lamang hindi natin mahindian ang Interpol ‘pag sinabi sa atin ‘tulungan niyo kami. Kailangan naming kunin itong taong ito.’ Dahil kung maalala ninyo lahat ng mga tumakas dito sa Pilipinas kagaya ni Alice Guo, kagaya ni Arnie Teves, kung sinu-sino pa, pati na ‘yung mga human trafficking sa Myanmar,” sinabi pa ni Marcos.
Dahil sa pag-aresto sa dating Presidente ay nagtipun-tipon ang mga supporter nito sa Davao at iba pang lugar at nananawagan ng People Power maging si Atty. Harry Roque na nagtatago sa ibang bansa ay nanawagan ng people power.