MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Comission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE) hinggil sa umano’y ‘advanced victory scheme’ matapos na makatanggap ng sumbong hinggil dito.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, batay sa reklamo ng ilang politiko na nakarating sa kanilang tanggapan, may ilang tiwaling indibidwal ang nanghihingi sa kanila ng malaking halaga kapalit nang pagdedeklara sa kanilang nanalo sa eleksiyon sa susunod na taon.
Sinabi ni Garcia na ang naturang iskima ay ginamit na rin noong mga nakaraang eleksiyon.
Muli na naman aniyang ginagamit ito sa ngayon, batay na rin sa sumbong sa poll body ng dalawang national aspirants, apat na party-list groups, at ilang mga local aspirants, na karamihan ay mula sa National Capital Region (NCR).
“May mga nagpadala sa akin na mga politiko na sila ay in-offer-an na kukuhanan ng picture, ipapadala sa kanila, sure win na P100 million… Style ‘yun, ‘yung pagpapa-advance,” pahayag pa ni Garcia, sa panayam sa kanya sa ginawang paglagda ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Comelec at National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City.
Kumpiyansa naman si Garcia na hindi pinatulan ng mga politikong nag-report sa kanya ang naturang modus.
Modus ng mga naturang tiwaling indibidwal na magpakilalang mga taga-Comelec o di kaya ay may kontak sa loob ng Information Technology Department ng Comelec at Miru Systems, na siyang automated elections systems provider para 2025 polls.
Kinumpirma naman ni Garcia na dati ay mayroong dating empleyado ng poll body ang nasangkot sa naturang iskima.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia na hindi kayang dayain ang mga makina at hindi kayang manipulahin ang resulta ng halalan.
Siniguro rin niya na kaagad nilang iuulat ang sumbong sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaukulang aksiyon.