MANILA, Philippines — Itinanggi ng Philippine National Police(PNP) na loyalty check ang isinagawang command conference na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Kampo Crame bunsod ng hidwaan nito kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Jean Fajardo, matagal nang naka schedule ang conference at wala itong kinalaman sa gulo.
Ani Fajardo, nananatili silang tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
“Time and again, we keep on saying that the PNP will remain loyal to the Constitution and to our duly constituted authorities,” ani Fajardo.
Layon lamang nito na iulat ng PNP sa Pangulo ang mga naging tagumpay sa kanilang mga ikinasang operasyon sa mga nakalipas na buwan gayundin ang mga nakahanay pang plano nito sa hinaharap.
Sinabi pa ni Fajardo na magbibigay-daan din ito para sa Pangulo na ilatag ang kaniyang mga direktiba sa mga kasalukuyang kampanya ng pamahalaan gaya ng pagsupil sa POGO, iligal na droga at krimen.
Kasama ng Pangulo sina Interior Secretary Jonvic Remulla, PNP chief General Rommel Francisco Marbil, at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr..
Tiniyak ni Fajardo na hindi sila papaapekto sa bangayan sa pulitika at tanging Konstitusyon lamang ang susundin.