MANILA, Philippines — Hindi na maaaring tumakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina si Mayor Marcy Teodoro matapos siyang ideklarang disqualified ng Comelec First Division noong Disyembre 11, 2024. Ang desisyon ay nilagdaan nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting.
Sa kanyang COC, idineklara ni Teodoro na residente siya ng Unang Distrito na hindi naman totoo.
Ayon sa Comelec, malinaw itong material misrepresentation o panloloko na sapat na dahilan para kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista sa unang distrito sa halalan sa 2025.
“Kahit pinapayagan ang pagbabalik sa dating distrito, kailangang maipakita ni Teodoro na siya ay aktwal na nanirahan at muling nagtatag ng tirahan sa Unang Distrito ng hindi bababa sa isang taon bago ang halalan,” saad ng Comelec.
Base sa Comelec, napatunayang iniwan na ni Teodoro ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at nagkaroon ng bagong domicile of choice patungong Ikalawang Distrito.
Bagamat walang bawal para kay Teodoro na bumalik sa kanyang dating domicile of origin, kinakailangan ng batas sa halalan na magpakita siya ng ebidensyang muli niyang naitatag ang kanyang tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalang pambansa at lokal sa 2025.
“Sa pagdeklara niya sa kanyang COC ng kabaligtaran, sa kabila ng kanyang kaalaman na hindi niya natutugunan ang minimum residency requirement, malinaw na nagkaroon si Teodoro ng material misrepresentation na hindi pwedeng palampasin ng Komisyon,” ayon sa desisyon.
Ipinaliwanag pa ng Comelec na sinadya at seryosong maling inilahad ni Teodoro ang kanyang residency sa Unang Distrito, dahilan para ikansela o hindi bigyan ng bisa ang kanyang COC.
Sinabi pa ng Comelec na hindi maitatanggi at inamin mismo ni Teodoro na may bahay siya sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay niyang inilipat ang kaniyang tirahan doon.
Binigyang diin ng Comelec na ang pagkakaroon ng bagong tirahan ay hindi lamang basta deklarasyon, kundi kailangang ipakita ang tatlong mahalagang aspeto: aktwal na paglipat, intensyong iwan ang dating tirahan, at aktwal na pagtira sa bagong lugar. Sa kaso ni Teodoro, wala umano siyang naipakitang sapat na patunay na bumalik siya sa Unang Distrito.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Comelec na si Teodoro ay Pebrero 26, 2024 lumipat ng rehistro mula Unang Distrito patungong Ikalawang Distrito.
Habang Setyembre 26, 2024 muling nagpatala bilang botante ng Unang Distrito, walong buwan lamang bago ang eleksyon, kulang sa itinakdang isang taon ng paninirahan.