Prangkisa ng Grab napipintong kanselahin ng LTFRB

Nabuking ito sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nang komprontahin ang kinatawan ng Grab ukol sa madalas na kanselasyon ng mga driver kapag PWD, estudyante at senior citizens ang pasahero.
STAR/File

MANILA, Philippines — Napipintong kanselahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Grab Philippines dahil umano sa pagpasa ng 20-percent discount para sa pasaherong persons with disabilities (PWDs), estudyante at senior citizen sa kanilang mga driver.

Nabuking ito sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nang komprontahin ang kinatawan ng Grab ukol sa madalas na kanselasyon ng mga driver kapag PWD, estudyante at senior citizens ang pasahero.

Napag-alaman kay TNVS Community Philippines spokesperson Saturnino Ninoy Mopas na pinapasagot pala ng Grab sa mga driver ang diskuwentong binibigay sa pasaherong senior citizens, PWDs, at mga estudyante.

Ayon pa kay Mopas, dati ay Grab ang sumasagot sa 20% discount ngunit biglang pinapasan ito sa kanila ng kumpanya anim na buwan na ang nakalipas.

Kinontra naman ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz ang palusot ng Grab na naaayon sa batas ang kanilang ginagawa. Giit ni Guadiz, malinaw umanong lumabag ang Grab sa Memorandum Circular ng ahensiya sa pagpasa nito ng 20% discount sa kanilang mga driver.

Hihingan ng LTFRB ng pahayag ang mga Grab driver at paliwanag ang kumpanya ukol sa ginagawa nilang ito. Kapag nakitaan ng paglabag, posibleng makansela ang prangkisa ng Grab, sabi pa ni Guadiz.

Show comments