BOC official pinasisibak, naniningil ng bayad sa travel authority at promotion

MANILA, Philippines — Lumiham ang rank and file ng Bureau of Customs (BOC) kay Comm. Bienvenido Rubio hinggil sa pani­ningil umano ng isang opisyal ng Aduana ng pera sa mga empleyado sa tuwing sila ay mag-aaply ng travel authority para makapagbiyahe.

Ang travel authority ay kailangan ng mga kawani ng gobyerno kapag sila ay mag-aabroad para sa isang seminar, schooling o bakasyon.

Hiling ng mga emple­yado kay Comm. Rubio na sibakin ang isang opisyal ng Internal Administration Group (IAG) dahil sa pani­ningil umano ng P2,000 ba­yad para sa simpleng travel authority issuance personal o official gayong libre naman dapat daw ito.

Sa naturang liham, na pinadalhan din ng kopya ang House of Representatives at Department of Finance, inire­reklamo din ang nasabing opisyal ng umano’y pangingikil sa mga empleyadong gustong ma-promote.

Ang isang Customs security officer para ma-promote bilang Special Agent 1, kailangan umanong magbayad ng P200,000-P500,000; P500,000-P1 million sa IAG official para sa Assistant Customs Operations Officer 1; P3 milyon sa COO 2 at COO 3; P5 million daw sa Customs Operations 5.  Pati umano pagpapalipat lang ng assignment o lugar ng trabaho ay may bayad din sa opisyal.

Show comments