MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na patay na ang dinukot na American vlogger na si Elliott Eastman.
Ito naman ang sinabi ni Police Lt.Col Ramoncelio Sawan, acting spokesperson ng Police Regional Office IX, batay sa testimonya ng saksi at mismong suspek sa pagdukot kay Eastman sa Zamboanga del Norte.
Oktubre nang dukutin ng apat na armadong kalalakihan na nagpanggap na mga pulis si Eastman sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Batay sa extrajudicial confession ng suspek, patay na si Eastman at itinapon sa dagat ang bangkay nito.
Una nang sinabi ng isang saksi na binaril sa binti at tiyan si Eastman ng kanyang mga kidnappers nang magtangka itong tumakas.
“Late October, during our investigation, we encountered one witness who told us na may nakapagsabi sa kanya na noong gabi na inabduct si Elliott Eastman, nabaril po siya at nung pumalaot na ang mga nag-abduct sa kanya, napansin nila na later on, patay na si Eastman. Ang ginawa raw nila ay itinapon nila sa tubig ang katawan ni Eastman,” ani Sawan.
Hindi pa rin nahahanap ang katawan ni Eastman sa kabila ng pagsuyod sa lugar kung saan umano siya itinapon.