MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga kasamahang senador na iwasan ang magbigay ng komento sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, ang paghahain at pag-endorso ng impeachment sa House of Representatives ay tanda ng simula ng prosesong nakasaad sa ating Saligang Batas upang matiyak ang pananagutan sa ating mga matataas na opisyal ng publiko.
Ipinunto ni Escudero na anumang bias o opinyon na magmumula sa mga senador ay makakasira sa impeachment trial dahil ang Senado ang magsisilbing impeachment court.
“Sakaling tawagin ang Senado na kumilos bilang isang impeachment court, anumang perception ng bias o pre-judgment ay makakasira hindi lamang sa integridad ng impeachment trial kundi pati na rin sa tiwala ng publiko sa Senado bilang isang institusyon,” ani Escudero.
Bagama’t madalas aniya na inilarawan ang impeachment bilang isang pampulitikang ehersisyo, pero dapat ang mga miyembro ng Senado ay walang kinikilingan.