MANILA, Philippines — Kinansela ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang nakatakda nitong pagdinig ngayong Biyernes hinggil sa kinukwestyong iregular na paggamit ng budget ng Office of the Vice President at Department of Education para bigyang daan ang isasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa banta umano ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ito pong issue sa NBI ay napakahalaga at it concerns national security. Kaya kami ay nag-decision na i-postpone ang committee hearing for tomorrow,” wika ni Committee chairperson at Manila Rep. Joel Chua.
Una rito, pinadalhan ng imbitasyon si VP Sara sa NBI headquarters para ipaliwanag ang kanyang naging pahayag laban sa Pangulo.
“Given the serious nature of the allegations being investigated by the NBI, the Vice President’s immediate priority must be to comply with the bureau’s summons and provide a clear explanation to the Filipino people,” ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Zia Alonto Adiong.
“The House hearing, where the Vice President is only expected to accompany her staff and not directly answer lawmakers’ questions, can be postponed to prioritize this urgent matter”, punto pa ni Adiong.