Sulsol ni Duterte sa militar ‘sedition’ – DOJ

Former Philippine president Rodrigo Duterte attends a senate probe on the drug war during his administration, in Manila on October 28, 2024.

MANILA, Philippines — Plano ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang naging panawagan ni dating ­Pangulong Rodrigo Duterte sa mga militar na ‘lutasin’ ang aniya’y ‘fractured governance’ sa ilalim ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr., dahil maituturing anila itong isang ‘sedisyon.’

Nauna rito, sa isang news conference noong Lunes ng gabi, sinabi ni Duterte na tanging ang militar lamang ang maaaring ‘magtama’ sa tinawag niyang ‘fractured governance’ ni Marcos, na muli pa niyang inakusahan bilang isang drug addict.

Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang mga naturang pahayag ni Duterte ay maaaring ituring na sedisyon.

“For him to invite the military to have a part in seeking remedy is bordering on sedition and is legally actionable,” pahayag pa ni Andres.

“’Yun pong mga pananalita ng dating Pangulong Duterte ay iimbestigahan din natin kasabay ng ibang mga nangyayari ngayong mga panahon,” aniya pa.

Siniguro rin naman ni Andres na bubusisiin nila ang lahat ng anggulo, kasama na rito ang pahayag ni VP Sara Duterte na umaming may kinausap na siyang tao na papatay sa Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, sakaling mapatay siya.

“We will have to look at every angle. The threat issued by the VP is something that should also be factored in, whether this is really part and parcel of a bigger plan for destabilization,” dagdag ni Andres.

Kaugnay nito, tiniyak din ng DOJ official na nakahanda ang pamahalaan sa anumang mangyayari.

Kumpiyansa rin siya na ang Armed Forces of the ­Philippines (AFP) ay isang propesyonal na orga­nisasyon na loyal sa ‘chain of command’ at hindi tatalima sa anumang panawagan ng pag-aaklas.

Show comments