MANILA, Philippines — Bahagi ng paniniktik o intelligence operation ng China sa Pilipinas si Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.
Sa huling pagdinig ng Senado sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), ipinakita ni Hontiveros ang larawan ng self-confessed Chinese spy sa Al Jazeera documentary na si She Zhijiang kasama si Yang.
Sinabi ni Hontiveros na ang litrato ay ipinadala sa kanyang team ng isa sa kanilang mga impormante.
“It further deepens what we already know: Michael Yang is a key actor in Chinese intelligence operations here. Michael Yang na sangkot sa Pharmally, and if the reports are accurate, sa drug operations dito,” ani Hontiveros.
Inilarawan din ni Hontiveros ang POGO bilang “monster” na gumagawa ng human trafficking, money laundering, torture at espionage.
Ayon pa kay Hontiveros, nasa paligid lang ang “Chinese Communist propaganda” at makikita ang kanilang kuta sa isang spa sa Pasay.
Idinagdag ni Hontiveros na mayroon ding video na naglalaman ng anti-US statements at nanawagan na pagsilbihan ang kanilang “motherland.”