MANILA, Philippines — Nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng kahandaang sumailalim sa psychological, neuropsychiatric at drug tests kung sasailalim din si Pang. Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan sa drug test.
Ayon kay Duterte, batid niyang marami ang nagsasabing baliw siya at wala sa tamang pag-iisip kasunod na rin ng kanyang mga aksiyon at pahayag laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Aniya, handa naman siyang sumailalim sa anumang pagsusuri kung magpapa-drug test din ang mga opisyal ng pamahalaan.
“Sinabi nila na ako daw ay krung-krung. Ako daw ay baliw. Ako daw ay wala sa tamang pag-iisip. Ano ba ang sabi ko sa lahat? Psychological test? Kahit ano ‘yan. Neuropsychiatric test? Kahit ano pang test yan, gagawin ko ‘yan. Dagdagan ko pa nang drug test,” ani VP Sara. “Pero dapat magpa-drug test ang lahat ng nagtatrabaho sa Office of the President, Office of the Vice President, sa lahat ng opisina ng Senado, sa lahat ng opisina ng House of Representatives, sa lahat ng departamento ng ating bayan, ng ating pamahalaan.”
Hamon pa niya, “Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taong bayan.”
Iginiit ng bise presidente na dapat na ipakita ng pamahalaan sa taumbayan na matino ang mga opisyal ng gobyerno, sa pamamagitan ng pagpapasuri.
Umapela rin siya sa kanyang mga tagasuporta na manatiling kalmado upang maiwasan ang kaguluhan. “Ayaw natin ng kaguluhan. Peaceful assembly at freedom of speech ang ating hangad.”