MANILA, Philippines — Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na handa na sila sa posibleng epekto at panganib na dulot ng Super Typhoon Pepito sa 10 milyon katao sakaling manalasa ito sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas regions.
Ayon kay OCD Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, pinaghahandaan nila ang “worst-case scenario” tulad ng pananalasa ng bagyong Kristine noong nakaraang buwan.
“Huwag na nating asahan ‘yong maganda. Kahit ako naman, gusto nga nating malusaw ‘yong bagyo pero dapat, again for the purposes of conservative planning, lalo na ‘yong mga dinaanan ng Kristine na naranasan na nila, isipin na nila na maaring ganon uli,” ani Nepocumeno.
Sinabi ni Nepomuceno, na umaasa sila na hindi na mangyari ang katulad na hagupit at pananalasa ni Kristine subalit kailangan na handa ang lahat sa pag-evacuate at paglikas ng mga mamamayan.
“Hindi natin gustong mangyari ‘yon subalit ‘yon ang dapat na lebel ng paghahanda natin,” ani Nepomuceno.
Pumasok ng Philippine Area of Responsibility si Pepito nitong Huwebes at inaasahan na magla-landfall sa Catanduanes ngayong umaga, ayon sa PAGASA.
Umaabot naman sa 13,857 personnel ang ipinakalat para sa disaster response at relief operations kabilang na ang 1,282 search at rescue teams.
Nabatid na nasa 11,448 pamilya o 35,335 katao ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers matapos ang pananalasa ng nagdaang mga bagyo.
“Tapos na dapat tayo sa paghuhulaan o aasa tayo na sana malusaw ‘yong bagyo, sana huwag dumaan, sana hindi malakas ‘yong ulan na dala – itigil na po natin ‘to; doon tayo mapapahamak. Mas maganda bago dapat ang ating attitude. Doon tayo sa paghahanda sa posibleng pinakamalalang posibilidad na epekto ng bagyo,” dagdag pa ni Nepomuceno.
Samantala, nakahanda na rin ang mga family food packs na ipamamahagi ng DSWD sa sandaling humambalos si Pepito.
Naglalaman ng 6 kilo ng bigas, 10 canned goods, 5 sachets kape, 5 choco malts na sapat na umano sa isang pamilya na may 5 miyembro.