Pagbabalik ni Trump sa White House dapat paghandaan ng Pinas — Senators
MANILA, Philippines — Pinaghahanda ni Senador Imee Marcos ang gobyerno para sa mga posibleng pagbabago sa mga patakaran ng US sa ilalim ng administrasyong President Donald Trump.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang mga usapin na maaaring maapektuhan ang immigration, defense, at geopolitical na interes.
Binigyang diin ni Marcos ang pangangailangang protektahan ang humigit-kumulang 200,000 undocumented Filipinos sa US na nahaharap sa mass deportations sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga programa sa reintegration, kabilang ang skills training, livelihood support, at direktang tulong para sa mga deportee.
Partikular na pinaghahanda ni Marcos ang DSWD, DOLE, at DFA bilang mga pangunahing ahensya na makakatulong sa mass deportation sakaling matuloy ito.
“Sa huli, gaano man karami at gaano kalakas ang ating mga kaalyado, maaari lamang tayong umasa sa ating mga sarili, sa mga Pilipino, upang ipagtanggol ang Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Ipinunto naman ni Senate President Chiz Escudero na malakas na nag-telegraph si Trump sa buong mundo kung ano ang gagawin niya kung magpasya ang mga botanteng Amerikano na ibalik siya sa White House.
Dahil maaga aniyang nalaman ang mga gagawin ni Trump, walang dahilan para mahuli ang gobyerno ng Pilipinas sa mga dapat nitong gawin.
- Latest