MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang Estados Unidos sa pagpasa ng Philippines Maritime Zones Act dahil sa malinaw na pagtukoy sa territorial sea ng bansa, habang pumalag naman dito ang China.
Sa pahayag ni US State Department spokesman Mathew Miller, ang Phl Maritime Zones Act ay nakalinya sa 1982 Law of the Sea Convention at sa 2016 Arbitral Tribunal ruling.
Paliwanag ni Miller sa nasabing batas, malinaw na nakasaad ang internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone, at continental shelf ng Pilipinas.
Dagdag pa ng opisyal na marami na rin mga bansa ang nagpasa ng katulad na batas nitong mga nakaraang taon kabilang na dito ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations.
Samantala, agad naman tinutulan ng Beijing ang mga bagong batas kaya pinatawag ng gobyerno ng China si Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz para ipahayag ang kanilang pagtutol.
Sinabi pa ng China sa Pilipinas na igalang ang kanilang territorial sovereignty at maritime rights and interests.
Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakalawa ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na naggigiit sa soberanya sa South China Sea.