MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang batas para palakasin ang karapatan at responsibilidad ng Pilipinas sa loob ng mga maritime zone nito.
Kabilang sa mga nilagdaan ang Philippine Maritime Zones o ang Republic Act No. 12064 at Philippine Archipelagic Sea Lanes o ang Republic Act No. 12065.
Nasa ilalim ng Philippine Maritime Zones Act ang pagtatakda ng partikular na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, kabilang na ang karagatang maituturing na bahagi pa rin ng bansa.
Layon din nito na mapalakas ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang may territorial disputes, habang ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act naman ay para magkaroon ng sistema ng sea lanes o ruta sa mga dagat ng bansa na maaaring daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat.
Sa pamamagitan nito ay mamomonitor ang galaw ng mga sasakyang pandagat ng mga dayuhan at pang himpapawid sa bahagi ng teritoryo at mas mapapalakas pa ang awtoridad na paalisin sila kung maikokonsiderang banta sa bansa.