Kian Bill inihain sa Kamara

MANILA, Philippines — Inihain sa Kamara ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang “Kian Bill” o ang Public Health Approach to Drug Use Act na naglalayong magpatupad ng makataong solusyon sa problema sa droga sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga indibidwal.

Ayon kay Cendaña, ang kaniyang panukala ay magsisilbing 180 degree turn mula sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagpatupad ng bloody drug war na ikinasawi ng libu-libong  pinaghihinalaang drug personalities.

“The Kian Bill prevents the killing of more innocent Kians. The proposed law bans the use of Tokhang or drug lists, torture, unlawful police interference, and other cruel methods used in the drug war,” anang solon.

Magugunita na ang noo’y 17-anyos na si Kian de los Santos ay napas­lang sa anti-drug operations sa Caloocan City noong Agosto 2017 kung saan matapos ang ilang taon ay nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sangkot sa pagpatay sa nasabing binatilyo.

Sa depensa ng mga pulis nanlaban umano ang biktima pero pinasubalian ito ng CCTV footage na nakitang hinila ito sa madilim na lugar sa kabila ng pagmamakaawa ng biktima saka pinagbabaril.

Ang Kian Bill ay may counterpart na panukala sa Senado na inihain ni Sen. Risa Hontiveros.

Show comments