MANILA, Philippines — Pinatunayan ng mga residente ng Marikina City ang bisa ng dredging, sa pagsasabing nabawasan nang husto ang insidente ng matinding pagbaha sa kanilang lugar tuwing bagyo at malakas na ulan.
Isang inisyatibo ni Rep. Maan Teodoro ng 1st District kasama si Mayor Marcy Teodoro, nakita ang agarang resulta ng proyekto nang palaparin ang ilog mula 50 metro patungong halos 100 metro. Dahil dito, lumaki ang kapasidad ng ilog na mag-imbak ng tubig at epektibong pigilan ang pag-apaw at pagbaha.
Bumili naman ang lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro, ng sarili nitong amphibious long-arm backhoe upang mapagbuti pa ang proyekto.
Nitong mga nakaraang bagyo, napansin ng mga residente ang positibong epekto ng proyekto dahil mabilis nang humuhupa ang baha pabalik sa ilog. “Sobrang nagpapasalamat po kami sa Panginoon, at saka kay Ma’am Maan (Teodoro) at kay Mayor dahil nagawan po ng paraan,” sabi ni Joan Rebenito, isang residente ng Barangay Barangka.
“Malaking bagay po iyong paghuhukay dito, nalaliman po. Iyong dati at ngayon, iba po ngayon,” dagdag pa niya. Para naman kay Judy Queno, na matagal nang nakatira sa Barangay Tumana, malaking pagbabago ang dulot nito sa kanyang buhay, lalo pa’t nasanay na siya sa matinding pagbaha sa loob ng mahigit 30 taon niyang paninirahan sa lugar.
“Hindi na umakyat. Wala na, wala nang tubig. Napaka-epektibo talaga. Ngayon lang namin ito nararanasan. Isipin mo iyon,” wika niya. Sinabi naman ni Evelyn Soldevilla, isa pang residente ng Tumana, na nakaramdam na ng seguridad ang kanyang pamilya ngayong wala nang pagbaha sa kanilang lugar.
“Nararamdaman namin na safe na kami dito sa lugar namin. Kung noong araw, kami yung unang-unang binabaha dito. Ngayon, kami na ngayon yung hindi nababaha,” wika pa niya.
Nakamit kamakailan ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang pitong parangal kabilang ang Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit, Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT VAWC), at Peace and Order Performance Audit (POC).
Highly Compliant sa Manila Bay Clean-Up, Rehabilitation, at Preservation Program (MBCRP)-LGU Compliant Assessment.
Ideal Level para sa Local Council for the Protection of Children (LCPC) Functionality Audit, Top Performer para sa Informal Settler Families (ISF) Cluster, at Top Performing LGU sa Regional Subaybayan Performance.
Natanggap din ng Marikina ang Seal of Good Local Government mula sa DILG bilang pagkilala sa kanilang katapatan, kahusayan, at mga pagsisikap sa iba’t ibang aspeto ng pamamahala. Ginawaran ang siyudad PHP2.3 milyong pondo bilang insentibo bilang isang SGLG awardee.