MANILA, Philippines — Sakay ng Philippine Airlines (PAL) lumuwas na umano ng Maynila si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang anak na si Kitty upang dumalo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee ukol sa ‘drug war’ sa Lunes, base sa kumalat na impormasyon.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang nasabing pagharap ni Duterte sa pagdinig ng Senado sa Lunes.
Ito ay matapos mag-post si Dela Rosa ng larawan sa Facebook noong Biyernes, kasama ang dating pangulo, ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña, at ang dating speaker na si Pantaleon Alvarez sa isang dinner.
Sinabi ni Dela Rosa, na tiniyak sa kaniya ni Duterte na dadalo ito sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee.
Una nang sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III noong Huwebes na hindi sigurado ang presensya ni Duterte sa Lunes dahil nagdadalawang-isip umano ito.
Sinabi ni Pimentel, na sisimulan sa Lunes, Oktubre 28, ang imbestigasyon ng Senado sa mga pagpatay na nauugnay sa war on drugs ng dating administrasyon.
Nauna nang hiniling nina Dela Rosa at Senator Christopher “Bong” Go sa Senado na magsagawa ng probe na gagawin parallel sa imbestigasyon ng House Quad Committee (Quad Comm).
Bukod kay Duterte, imbitado rin sa imbestigasyon ng Senado sina retired Police Colonel Royina Garma, dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, dating Senador Leila de Lima, Kerwin Espinosa, at ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war.