MANILA, Philippines — Nakakita na ng pangmatagalang solusyon si San Pedro City, Laguna Rep. Ann Matibag kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), National Disaster Risk Reduction and the Management Council (NDRRMC), San Pedro City Engineers at Laguna Lake Development Authority (LLDA) para maresolbahan ang problema sa baha sa siyudad sa panahon ng bagyo.
“Isa na naman pong napakalaking suliranin ang kinakaharap ng lungsod ng San Pedro dahil sa baha sa ating mga lugar sa tuwing sasapit ang mga bagyo kaya po ako’y nagpatawag ng inter-agency meeting sa iba’t ibang ahensya para magkaroon ng mga pang matagalang solusyon,” ani Matibag.
Sa pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ ay nalubog sa baha ang 11 sa 27 barangay sa San Pedro City lalo na sa mga lugar malapit sa Laguna Lake.
Napuwersa rin ang mga residente na pansamantalang iwanan ang kanilang mga tahanan at lumikas sa mga evacuation centers.
Apektado rin ng pagbaha ang mga negosyo, ari-arian, aktibidad sa mga paaralan, paglago ng ekonomiya, kalusugan at kabuhayan ng mga taga-San Pedro City.
Kabilang mga inilatag na solusyon sa idinaos na inter-agency meeting na pinamunuan ni Matibag ay ang pagpapaayos ng drainage systems at sewers at ang pagpapatayo ng pumping stations at flood control gates papunta sa Laguna Lake.
“Ako po’y nagpapasalamat sa DPWH, NDRRMC, sa ating mga engineers at sa LLDA para sa kanilang mga mungkahi na inaasahan na po natin masisimulan upang maayos na ang problem sa baha. Pangarap ko ang flood-free na bayan para sa bawat Batang San Pedro, LaguNanay, LaguTatay at pamilyang San Pedronian,” wika ni Matibag.