MANILA, Philippines — Pinalubog ng bagyong ‘Kristine’ ang Bicol region na nagresulta sa pagkamatay ng pito katao habang libu-libo ang inilikas kahapon.
Sa ulat ni PNP-Bicol chief, PBGen. Andre Dizon, ang mga naitalang nasawi ay mula sa Naga City, bayan ng Palanas sa Masbate at sa Bagamanoc sa Catanduanes habang mula naman sa Paracale town sa Camarines Norte ang mga sugatan at mula Iriga City sa Camarines Sur ang nawawala.
Ayon kay Dizon, hindi nila mapasok ang bayan ng Libon sa Albay dahil sa malaking pagbaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong Kristine. Wala namang naitalang biktima sa Libon. Isinailalim na sa state of calamity ang Albay.
Umaabot naman sa 67,733 indibidwal ang patuloy na nasa evacuation centers, habang nasa 303 barangays mula sa pitong lalawigan sa Bicol Region ang patuloy pa rin ang baha hanggang sa kasalukuyan.
Nasa 20 lugar din sa Bicol Region ang nagtala ng landslide kung saan pinakamarami ang Albay na mayroong 10 lugar, 4 sa Sorsogon, 3 sa Camarines sur, 2 sa Camarines Norte at 1 sa Catanduanes.
Binigyan diin naman ni Gremil Naz, spokesperson ng Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol na bagamat maayos at maganda ang koordinasyon ng iba’t ibang disaster response agencies sa Bicol patuloy pa rin ang kanilang monitoring maging sa mga social media na kadalasang ginagamit ngayon upang makahingi ng tulong. Nawalan din ng supply ng kuryente sa 36 lugar at maging linya ng komunikasyon.
Sinuspinde rin ang operasyon ng 34 seaports sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas dahil sa bagyong Kristine kung saan 4,753 pasahero, 703 rolling cargoes, 26 vessels, at 13 motorized bancas ang stranded.
Sa press briefing naman sa National Disaster Coordinating Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ipinarating sa kaniya ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay“ Villafuerte na sa 600 Barangays sa Naga City ay nasa 300 ang lumubog sa baha.
Ang matinding pagbaha sa Bicol Region ay naranasan bago pa man mag-landfall ang bagyong Kristine. Nabulaga ang mga residente nang makitang tila ‘waterworld’ ang kanilang lugar na umapaw ang tubig hanggang bubong ng bahay.
Ayon sa PAGASA, napanatili ng bagyo ang kanyang lakas at naging isang severe tropical storm na.
Inaasahang si Kristine ay magla-landfall sa Isabela at daraan sa bulubunduking lugar ng Northern Luzon at saka susulpot sa may katubigan ng Ilocos Region ngayong Huwebes ng umaga.
Bahagya itong hihina habang tumatawid sa Northern Luzon at muling lalakas oras na marating ang West Philippine Sea.
Inaasahan na si Kristine ay lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas. -Jorge Hallare