MANILA, Philippines — Pinagagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagresponde sa bagyong Kristine ang siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sa situational briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, sinabi ng Pangulo na kailangang masulit o ma-maximize ang paggamit ng EDCA sites sa bansa
“Make full use of EDCA sites for the activities ng AFP, for the airlift,” sinabi pa ni Marcos.
Kabilang sa siyam na EDCA sites ay matatagpuan sa Antionio Bautista Air Base sa Palawan; Basa Air Base sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu; Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City; Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airpot sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at sa Balabac Island sa Palawan.
Tiniyak naman ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na may sapat na kakayahan at lift assets ang Pilipinas sa pagtugon sa kalamidad habang patuloy na rin silang nakikipag ugnayan sa mga kapitbahay na bansang miyembro ng Association of South East Asian Nation (ASEAN) para tumulong sa airlift at rescue operations.
Nakausap na rin aniya ni Teodoro ang mga kinatawan ng Singapore, Malaysia, Indonesia at Brunei.
Tiniyak naman ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner na nakahanda ang Amerika na magpapadala ng air assets para tumulong sa relief operations.