MANILA, Philippines — Hinikayat ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang publiko na maghanda ng maaga kaugnay ng nakaambang pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng panibagong tropical cyclone o sama ng panahon.
Sa ulat ng PAGASA,ang low-pressure area (LPA) ay namataan sa Virac, Catanduanes na inaasahang magiging tropical depression sa loob ng 24 oras. Sa oras na pumasok ito sa PAR ay tatawaging bagyong Kristine.
“Let us engage in proactive planning and stay informed with relevant updates to ensure we are adequately prepared. We are collaborating closely with all concerned agencies to establish a comprehensive and cohesive action plan,” sabi ni Teodoro na siya ring Chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay Teodoro, base sa pagtaya ng DSWD, posibleng umabot sa mahigit isang milyon katao ang maapektuhan ng nasabing panibagong tropical cyclone.
Sa report ng Mines and Geosciences Bureau nasa 5,688 Barangays ang namemeligro sa landslide at mga pagbaha sa rehiyon sa paghagupit ng bagyong Kristine na nagbabadyang tumama sa kalupaan sa silangang bahagi sa baybaying lugar sa Cagayan sa Huwebes at tatahak din sa hilagang Luzon.
Inaasahan namang mararamdaman ang lakas ng bagyo bago ito tuluyang mag-landfall.
Bilang tugon sa direktiba ni Teodoro, inatasan na ng Office of Civil Defense (OCD) ang Regional Offices nito para maghanda sa pagtama ng bagyong Kristine na inaasahang magdadala ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Bicol Region at Samar umpisa sa Martes.
Imomonitor din ang mga dam partikular na ang Ambuklao, Binga, Magat at San Roque sa posibleng pag-apaw nito na magdudulot ng matinding mga pagbaha.