MANILA, Philippines — Isa lamang umanong katawa-tawa ang pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magsasagawa ito ng hiwalay na imbestigasyon sa Senado hinggil sa drug campaign ng nagdaang administrasyon.
Ayon kay Atty. Barry Gutierez, spokesman ni dating vice president Leni Robredo, paano mag-iimbestiga ang isang tao na siya mismo ay may malaking papel sa naturang drug campaign.
“Ang lakas talaga magpatawa ni Sen. Eh siya nga ang tinuturo ng mga testigo na may sala e, tapos gusto niya siya ang mag-imbestiga”, sabi ni Gutierez.
Bagama’t hindi umano naisama ni retired Police Col. Royina Garma sa kanyang affidavit si Dela Rosa na nagsangkot kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang nasa likod ng drug war killings, ito naman anya ay nasa matrix na naihanda ni Garma at naiprisinta sa quad committee.
Sa matrix, pinagkatiwalaan umano si Dela Rosa nina Duterte na maipatupad ang drug war sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng PNP na binigyan ng reward money para maipamahagi sa mga taong magsasagawa ng drug war killings.
Ang bagay na ito ay pinabulaanan ni Dela Rosa at nagsabing nakilala niya si Garma dahil malapit siya sa dating Pangulo.