MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na makasuhan ng murder si dating Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng ipinatupad nitong extra judicial killings (EJKs) sa panahon ng kanyang administrasyon.
Ito naman ang sinabi ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief PBGen. Nicolas Torre III kaugnay na rin ng kanilang ginagawang paghihimay sa mga ebidensiya na makapagdadawit sa dating pangulong Duterte.
Ani Torre, titignan nila ang direksiyon ng imbestigasyon at kung sapat ang ebidensiya.
“Pag may makita tayong link ng kahit sino, including the former president, then so be it. We will include them to the charges if the evidence warrants,” ani Torre.
Dagdag pa ni Torre na ang extrajudicial killings ay maaaring ituring na murder.
Batay sa pagtaya ng PNP nasa 6,000 drug suspects ang namatay sa anti-drug operations subalit sa record ng human rights groups pumalo ang mga biktima ng EJK sa 30,000 kabilang na ang mga unreported killings.