MANILA, Philippines — Limang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang kasama sa balasahan kabilang na si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. bilang deputy chief for administration.
Simula sa Miyerkules, Oktubre 9, No. 2 man na ng PNP si Nartatez alinsunod sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Pinalitan ni Nartatez si Lt. Gen. Emmanuel Peralta na nagretiro sa serbisyo nitong Agosto.
Itinalaga naman si Maj. Gen. Edgar Alan Okubo bilang No.4 o PNP Directorial Staff kasunod ng pagreretiro ni General Jon Arnaldo.
Ang puwesto nina Nartatez at Okubo ay kabilang sa Command Group ng PNP at sinasabing kapwa kontender sa pagiging PNP chief.
Miyembro si Nartatez ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1992 habang si Okubo ay mula sa PNP Academy (PNPA) Class of 1992.
Samantala, hahalili naman sa puwesto ni Nartatez bilang NCRPO chief si Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) director Maj. Gen. Sidney Sultan Hernia.
Kabilang din sa mga inilipat ng puwesto sina Brig Gen. Benjamin Sembrano bilang hepe ng PNP Forensics Group habang si Brig. Gen. Constancio Chinayog, Jr. ang papalit kay Hernia bilang DPRM.
Nakasaad din sa order ni Marbil ang pagtatalaga kay Col. Jeffrey Decena bilang acting deputy regional director for Administration ng Police Regional Office 3 sa Central Luzon na pinamumunuan ni PBrig. Gen. Redrico Maranan.