Mayor Socrates Tuason naghain ng COC para Gobernador ng Masbate

MANILA, Philippines — Pormal nang naghain sa tanggapan ng Commission on Elections si Mayor Socrates M. Tuason ng kanyang Certificate of Candidacy para Gobernador ng Masbate.

Si Tuason, Provincial Chairman ng Liberal Party ay sinamahan ng kanyang maybahay at Vice Mayor Rowena Rejuso Tuason at ng kanyang mga kandidato sa pagka-board members na sina Julius Aguilar and Alexander Albao.

Mainit na tinanggap ni Provincial Election Supervisor Atty Alberto R. Canares III.

Nang tanungin ng media sa ambush interview kung ano ang nag-udyok sa kanyang pagkandidato bilang gobernador, sinabi nitong maraming dapat ayusin sa pamahalaang panlalawigan partikular ang utang umano na P2.7-B na pagbabayaran ng 15 years na dapat sana’y inilaan sa mga importanteng bagay tulad ng tubig, kur­yente, hospital, hanapbuhay para sa mga mangingisda, magsasaka, tulong sa mga estudyante, negosyante, tulong sa DepEd at lahat ng ahensiya ng gobyerno.

Doon anya dapat inilagay ang pondo para hindi naghihirap ang Masbate.

“Asahan nila ang malaking pagbabago. Aayusin natin ang kapitolyo. Tulad ng pag-ayos natin sa siyudad ng Masbate, tugon ni Tuason sakali anyang maging gobernador.

Sa unang araw sa pag-upo, agad umano niyang ititigil ang illegal fishing at illegal gambling. Isusulong agad na magkaroon ng 24 oras na kuryente ang Masbate, pagagandahin ang lahat ng ospital sa buong probinsiya.

Magkakaroon din ng malinis na tubig na maiinom, hanapbuhay sa mga mangingisda at magsasaka.

Bago nagsumite ng kanyang kandidatura, dumalo muna si Mayor Tuason ng Misa sa St. Anthony Cathedral at prayer meeting bago nag-motorcade sa mga pangunahing kalsada ng lungsod kasama ang libong supporters bago dumiretso sa Comelec office sa Masbate Provincial Capitol.

Show comments