MANILA, Philippines — Nagbabala si Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na mas marami pang kakaharaping kaso si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sa sandaling maghain siya ng kanyang kandidatura para sa Eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Hontiveros, maaaring makagawa ng material misrepresentation si Guo Hua Ping sa sandaling maghain siya ng certificate of candidady (COC) at ideklara na isa siyang Pinoy na isang malaking kasinungalingan naman.
Paliwanag pa ng Senadora ang COC ay isang mahalagang dokumento na pinanunumpaan kaya kung magpipilit aniya si Guo Hua Ping sa kanyang kasinungalingan ay maaaring madagdag ang kasong perjury laban sa kanya.
Binuweltahan din ni Hontiveros si Guo dahil sa aniya ay wala pa rin tigil na panloloko sa taumbayan kahit na siya ay nasa loob ng kulungan.
Sinabi naman ni Sen. Win Gatchalian, dapat ipatupad agad ng Comelec ang kaukulang legal na paraan para madiskwalipika si Guo sa pagtakbo sa darating na halalan.
Giit ni Gatchalian, ang planong pagtakbo ni Guo Hua Ping na kilala rin bilang Alice Guo sa pampublikong posisyon ay hayagang pagtatangka na sirain ang mga batas ng bansa.
Ang reaksyon ng mga Senador ay ginawa matapos ipahayag ng abogado ni Guo na si Atty. Stephen David na maghahain ang kanyang kliyente ng COC sa susunod na linggo para tumakbo sa pagka alkalde ng Bamban, Tarlac.