MANILA, Philippines — Muling sinabon ng mga mambabatas sa pagdinig ng Committee on Legislative Franchises sa Kamara ang Northern Davao Electric Cooperative Inc. (Nordeco) dahil sa umano’y paulit-ulit na kabiguan nitong maipagkaloob ang isang de-kalidad na serbisyo, affordable at reliable na suplay ng kuryente sa mga consumers sa kanilang franchise area.
Sa pagdinig, ayaw din ng Nordeco sa panukalang palawakin ang franchise area ng Davao Light & Power Company (“Davao Light”) sa kanilang coverage area para sana mas higit na mapapabuti ang paghahatid ng mas mura at epektibong suplay ng kuryente sa 16 na bayan at 2 lungsod ng Davao del Oro at Davao del Norte.
Ayon sa Nordeco, ang panukala ay nagkakaloob ng kapangyarihan sa mga private entities na makapag take over sa government-owned property, lalabag sa Civil Code at magbibigay kalayaan sa mga grupo na magdesisyon sa halaga ng assets na nais maibenta, magdudulot ng power rate na 20 centavos per kwh at mahihimasok ang kapangyarihan ng Energy Regulatory Commission na pangasiwaan ang power rates.
Binigyang diin ni Pwersa ng Bayaning Atleta Rep. Margarita Nograles na ang argumento ng Nordeco ay paulit ulit na lamang na sinasabi mula pa noong nakalipas na dalawang taong deliberasyon ng Kongreso para dito pero umiiyak na ang mga tao dahil sa mataas na singil sa kuryente sa kabila na hindi naman mahusay ang serbisyo.
Sinabi ni Parañaque 2nd district Rep. Gus Tambunting, chairman ng Komite na binigyan na ng sapat na panahon ang Nordeco sa bagay na ito pero wala pa ring ginagawang aksyon para mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga consumers.
Sinabi naman ni Rep. Cheeno Almario ng 2nd District ng Davao Oriental na marami na ang nasirang gamit ng mga consumers tulad ng refrigerator, computer at iba pa pero wala pa ring ginagawa ang Nordeco sa problema sa kuryente sa service area nito.