MANILA, Philippines — Umarangkada na kahapon ang filing ng Certificates of Candidacy (COC) para sa nalalapit na May 2025 National and Local Elections (NLE) sa bansa.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, base sa isinagawa nilang monitoring sa sitwasyon ay naging maayos at mapayapa naman ang unang araw ng paghahain ng kandidatura para sa midterm polls.
Gayunman, matumal pa aniya ito dahil marami pa ang nakikiramdam habang sa ibang araw pa planong maghain ng COC ng ibang kandidato.
“Sa monitoring natin sa buong NCR, sa ibang parte ng ating bansa, maayos ang nagiging filing ng COC,” ani Garcia, sa isang ambush interview.
Tiniyak din naman ni Garcia na sapat ang ipinatutupad nilang seguridad sa COC filing sa iba’t ibang lugar.
Nabatid na isinagawa ang COC filing mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa pagka-senador, kabilang sa mga unang naghain ng kandidatura sina Wilbert Lee, incumbent Agri party-list representative; David Chan, sustainability advocate; Alexander Encarnacion na isang electrician-carpenter; Joey Montemayor, na dating presidential candidate; Felipe Fernandez Montealto Jr., 44, na pinakabata umanong senatorial aspirant; Janice Padilla, dating teacher at scholarship coordinator at Sen. Francis Tolentino.
Para naman sa party-list, naghain ng kandidatura ang Bumbero ng Pilipinas at Kabayan.
Sa congressional race naman, nakapaghain na ng kandidatura si House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ilang kandidato na rin sa local positions, kabilang na ang pagka-gobernador, bise-gobernador, pagka-alkalde, bise alkalde at konsehal ang naghain ng kanilang kandidatura.
Magtatagal ang COC filing hanggang sa Oktubre 8, 2024.