Quiboloy ilipat na sa BJMP! — PNP
MANILA, Philippines — Dapat na umanong ilipat sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito naman ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief PCol Jean Fajardo sa isinagawang press briefing.
Ayon kay Fajardo, kung sila ang tatanungin, dapat nang tanggalin sa PNP Custodial Center ai Quiboloy at mailipat sa isang regular na kulungan.
Ani Fajardo, anuman ang kalagayan o estado ng isang taong naaresto, dapat ito ay nakakulong sa BJMP.
Inihalintulad ni Fajardo ang kaso ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na ngayon ay nasa kustodiya na ng Pasig City Jail Female Dormitory.
Sa ngayon ayon pa kay Fajardo, naisumite na ng PNP sa Pasig RTC ang medical evaluation na isinagawa ng PNP general hospital kay Quiboloy.
Ito kasi ang magiging basehan ng korte sa pagde-desisyon kung dapat bang ilipat o manatili si Quiboloy sa PNP custodial center kaugnay ng kasong qualified human trafficking na kinakaharap nito.
Nilinaw din naman ni Fajardo na susunod sila kung anuman ang magiging desisyon ng korte.
- Latest