MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 354 ang mga kaso ng rabies na naitala nila sa bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 14, 2024, at lahat ng mga pasyente ay sinawimpalad na bawian ng buhay.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay 23% na mas mataas kumpara sa 287 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Nasa 10 rehiyon rin sa bansa ang nakapagtala ng pagtaas ng rabies cases sa nakalipas na buwan, kabilang ang National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.
Sa kabila naman nito, naobserbahan rin umano nila ang consistent na bilang ng rabies cases sa bansa, na nagpapakita ng pagbaba ng mga kaso.
Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng DOH ang publiko na manatiling vigilante at proactive upang maiwasan ang rabies transmission.
Anang DOH, maaaring iwasan ang rabies sa pamamagitan ng timely vaccination sa alagang hayop at taong na-exposed sa virus.