MANILA, Philippines — Isang milyon kada linggo umano ang tinatanggap na payola ni ret. Police Col. Royina Garma habang pinamumunuan nito ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City.
Sa kaniyang pagharap sa Quad Committe, sinabi ni dating Cebu City Mayor Tommy Osmeña na ito ang nakarating na impormasyon sa kaniya na pangunahing dahilan kung bakit tinutulan niya ito bilang Chief of Police ng kanilang lungsod.
Sa ikaanim na pagdinig, sinabi ni Osmeña na handa siyag magsiwalat ng mga nalalaman niya sa ‘extra judicial killings’ na nangyari sa panahon ni ex-President Rodrigo Duterte kung saan hindi lamang aniya mga inosenteng sibilyan kundi matitinong pulis na tutol sa EJK sa drug war ang kinikitil din ang buhay.
Ayon kay Osmeña, ang pagharap niya sa nasabing joint committees ay bilang pagtugon sa imbitasyon sa kanya kung saan nabanggit sa naunang pagdinig na mayroon silang personal na alitan ni Garma.
Paglilinaw nito, hindi niya kilala ang lady police officer subalit hindi niya tinanggap ang paglipat sa Cebu City ng huli dahil sa nakarating sa kanyang impormasyon sa naturang weekly payola.
“It (report) says that when Garma was head of CIDG she was collecting P1 million a week. I cannot accept this for Cebu City. And her bagman was a certain SPO4 Art,” paglalahad pa ni Osmeña.
“Now it appears that SPO4 Art is not only a lover. She brought this policeman with her when she was appointed to PCSO,” dagdag niya.
Matatandaan na ilang araw palang makaraang mag-resign sa PNP, si Garma ay naitalaga sa PCSO bilang General Manager kung saan sa ilalim ng panunungkulan nito ay P90 bilyon ang nawala sa kita ng nasabing tanggapan.
Sa salaysay na ito ng former Cebu City Mayor, sinabi naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez, Quad Comm Co-Chairman, na maaaring ang bagman ni Garma na tinutukoy ng una ay si SPO4 Arthur Solis, na siyang inginuso ng dalawang bilanggo na idinadawit sa pagpatay sa tatlong suspected Chinese drug lords sa loob mismo ng Davao Prison and Penal Farm noong August 2016.