MANILA, Philippines — Nanawagan ang Office of the Ombudsman sa Court of Appeals (CA) na dapat ituloy ang anim na buwang suspensyon ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali dahil umano sa mga iregularidad sa pagbibigay ng quarry permits sa lalawigan.
Sa mosyong may petsang Setyembre 5, hiniling ng Ombudsman na mag-inhibit ang Court of Appeals, lalo na si Associate Justice Mary Charlene Hernandez-Azura, sa naturang kaso. Pinuna ng Ombudsman ang umano’y napakabilis na paglabas ng kautusang nagpapawalang-bisa sa suspensyon ng gobernador at pagdesisyon sa merito ng kasong hindi pa tapos.
Ayon sa Ombudsman, hindi kinakailangan ng batas na hintayin ang depensa bago magpataw ng suspensyon. Malakas ang ebidensya laban kay Umali, ayon sa kanila, at tama ang naging aksyon ng kanilang tanggapan.
Si Gov. Umali ay sinuspinde mula pa noong Mayo 2024. Ang suspensyon ay kaugnay ng umano’y maling pag-isyu ng 205 quarry permits sa mga hindi kwalipikadong aplikante. Wala rin daw environmental compliance certificate mula sa DENR at hindi naibigay ang tamang bahagi ng buwis sa lokal na pamahalaan.
Noong Agosto 20, kinatigan ng CA si Umali at sinabing hindi dapat na-suspend ang gobernador.
Pero hindi sang-ayon ang Ombudsman sa naging desisyon ng CA. Ipinaglalaban pa rin ng Ombudsman ang kanilang posisyon at patuloy na iniimbestigahan si Umali para sa mga kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Bukod kay Gov. Umali, iniimbestigahan din ang dating gobernador na si Czarina Domingo Umali at ang dating opisyal ng Nueva Ecija Provincial Environment and Natural Resources Office na si Wilfredo Pangilinan.