Wala kaming relasyon ni Alice Guo — Calugay

Humarap sina Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay at dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Senado kahapon kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa human trafficking, cyber fraud at iba pang umano’y criminal activities na iniuugnay sa POGOs.

MANILA, Philippines — Walang namamagitan sa amin at wala kaming relasyon o lovers ni Alice Guo.

Ito ang tahasang sinabi ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay ukol sa patutsadang may relasyon sila ni suspended Bamban mayor Alice Guo.

Iginiit ni Calugay na magkaibigan lamang ang namamagitan sa kanilang dalawa ni Guo at wala nang iba.

Pinabulaanan din ni Calugay na sila ay business partner o may kakaibang relasyon ni Guo na bagay na pilit pinalulutang ni Se­nate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada.

Inamin ni Calugay na mayroon siyang dating asawa at ito ay annulled na ang kanyang kasal at may bago siyang kinakasama na siya namang in-charge sa mga negosyo.

Pinabulaanan din ni Calugay na siya ang may-ari ng Happy Penguine Resort subalit aminado siyang nakapagbenta siya ng mahigit sa apat na libong metro kuwadrado ng kanyang lupain sa tunay na may-ari ng naturang resort na nagnangangalang Veronica.

Aminado si Calugay na kanyang inimbitahan si Guo na sumama sa kanyang thanks gving parade matapos ang halalan noong 2022 at inimbitahan din niya itong dumalo sa kasalang bayan at ito pa nga ay nangyari noong Valentines day dahilan upang bigyan niya ng magandang bulaklak ang alkalde ng Bamban.

Maging ang mga Secretary ni Guo na sina Gee Pepito at Cath Salazar ay pinabulaanang may relas­yon sina Guo at Calugay.

Anila, sa kanilang nakita isang normal na pagkakaibigan lamang ang nakita nila sa mga ito.

Maging ang executive assistant ni Calugay na si Cheryl Medina ay mariing pinabulaanang na naikuwento niya na mayroong anak at relasyon ang kanyang amo at si Guo.

Bukod dito inamin din ni Medina na siya ang may-ari ng ilang mga kumpanyang nakakaladkad sa pagdinig ng senado at hindi si Calugay.

Show comments