MANILA, Philippines — Mariing binatikos ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa libu-libong social workers na hindi pa rin nare-regular kahit pa halos isang dekada nang nagtatrabaho sa ahensiya.
Sa pagdinig ng panukalang 2025 budget ng DSWD, sinabi ni Sen. Tulfo na maraming kawani ng ahensiya ang magreretiro pero hindi pa rin nagiging regular.
Ayon kay Tulfo, bago utusan ng gobyerno ang mga pribadong institusyon na sumunod sa batas ay dapat mauna muna ito.
“Bago tayo magmando sa private institutions na sumunod sa pagbabawal sa mga contractual, mauna muna tayo sa gobyerno! Nakakahiya, DSWD! By the thousands pa rin ang kontraktuwal (employees)!” ani Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na sa kasalukuyan, tinatayang nasa 6,038 contractual at job order employees ng DSWD na karamihan sa kanila ay lampas 10-15 taon nang nagpapaka-alila pero wala pa ring natatanggap na mga benepisyo.
Ayon pa kay Tulfo, noong nakaraang taon pa niya isinangguni ang isyung ito sa DSWD ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na aksyon.
Isinulong ni Tulfo na ipatawag na rin sa susunod na pagdinig si DBM Sec. Amenah Pangandaman dahil itinuturo ni Sec. Rex Gatchalian ang DBM. Ito ay para maliwanagan ang komite kung makapaglalagay nga ba talaga ng regular plantilla positions sa naturang ahensya kahit na gradual ang implementasyon nito.