MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa government forces na panatilihin ang presensiya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Marcos ang kautusan kasunod ng pagbabalik ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) mula sa Escoda (Sabina) Shoal.
Sinabi ni National Maritime Council (NMC) spokesman Alexander Lopez sa panayam sa Malacañang na kasunod ng utos ng Pangulo, ang Philippine Coast Guard (PCG) ay magpapadala ng bagong sasakyang-dagat na magbabantay sa lugar.
“Ang direktiba ni Pangulo ay i-maintain natin yung ating presensya. Kapag sinabing presence, strategic presence iyon, ‘di lang physical presence,” ani Lopez.
Anya, sapat na ang isang barko para mamonitor hindi lang ang Escoda Shoal kundi ang buong West Philippine Sea dahil madadagdagan ito sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy (PN), at PCG.
“Actually, ang isang barko kaya ma-monitor iyon kasi may radar iyon,” ani Lopez.
Umaasa rin si Lopez na magkaroon ng karagdagang tulong o asset mula sa PN o kaya ay magpalipad ang AFP ng eroplano sa lugar.
Tiniyak ni Lopez sa publiko na ang pag-pullout ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal ay hindi nangangahulugan na isinuko na ng Pilipinas ang karapatan nito sa pinag-aagawang karagatan.
“Mali yung pananaw. Wala tayong gini-give up…kahit umalis yung Teresa Magbanua doon, it did not diminish our presence there dahil may ibang paraan para i-monitor, i-cover yung area,” dagdag ni Lopez.