MANILA, Philippines — Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang transformative potential ng Senate Bill No. 2781, na kilala rin bilang E-Governance Bill.
Ang iminungkahing batas ay upang gawing moderno ang mga operasyon sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga digital na paraan, upang ang mga serbisyo ay mas madaling ma-access, transparent, at mahusay.
Sinabi ni Go na matagal na niyang ipinagtatanggol ang e-governance kaya naghain siya ng sariling bersyon ng panukalang batas.
“I filed Senate Bill 194 because it is my belief that with e-governance, we are not just embracing new technology, we are also enhancing government’s transparency, efficiency, and accessibility,” ani Go.
Inilatag ng senador ang pangunahing layunin ng panukalang batas: gawing mas madaling maabot ng mga ordinaryong Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno, partikular ang mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, estudyante, at mga naghahanap ng kabuhayan.
Ayon kay Go, sa e-governance, ang mga mamamayan ay madali nang ma-access ang mga pampublikong serbisyo tulad ng mga permit, pagbabayad ng buwis, at aplikasyon sa serbisyong panlipunan.
Higit pa rito, ang e-governance ay nagtataguyod ng seguridad ng data. Sa pamamagitan ng digital framework, maaari matiyak na ang mga mahahalagang talaan ay ligtas at hindi madaling mawala o mapinsala. Mababawasan din nito ang mga gastos sa pangangasiwa at pagkakataon para sa katiwalian.
Sinabi ni Go na ang pagyakap sa teknolohiya ay hindi lamang tugon sa pagbabago ng panahon kundi isang responsibilidad ng pamahalaan na umunlad at maging angkop sa kasalukuyang pangangailangan ng mga mamamayan.