MANILA, Philippines — Mistulang inokray ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang Philippine National Police dahil hindi pa rin nakikita si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy kahit pa dalawang linggo na nilang binabantayan ang KOJC compound sa Davao City.
Binanggit din ni Dela Rosa ang nagawa ng Indonesian National Police na agad nakita ang mga taong pinaghahanap ng gobyerno ng Pilipinas bagaman at hindi nito binanggit ang pangalan ni dating Bamban mayor Alice Guo na naaresto sa Indonesia.
Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP bago naging senador, na sa paningin aniya ng mga tao ngayon ay may kakulangan sa PNP.
“Sa paningin tuloy ng mga tao, mukhang may kakulangan sa ating mga pulis. Lalo pa na laman ng balita ngayon kung paano nahuli kaagad ng Indonesian National Police ang mga taong pinaghahanap ng ating gobyerno,” ani Dela Rosa.
Pinangunahan ni Dela Rosa ang imbestigasyon ng Senate subcommittee on justice and human rights sa operasyon ng PNP sa KOJC compound sa Davao City.
“Isipin niyo, halos dalawang linggo na silang nagbarricade. Nakapag-detect na sila ng heartbeat sa ilalim ng lupa. Nag-implementa pa ng ‘whole of government approach’ noong naghukay sila sa basement ng school campus. Ngunit, hindi pa rin naging successful ang implementasyon ng warrant of arrest. Hindi pa rin makita ang dapat makita,” ani Dela Rosa.
Matatandaan na sa isang privilege speech ni Dela Rosa, pinuna nito ang pagde-deploy ng nasa 2,000 pulis sa KOJC compound para isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy.