MANILA, Philippines — Ikinabahala ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang “teachers mismatch” kung saan pinagtuturo ang mga guro ng subjects na hindi sila bihasa.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni ACT Chairman Vladimer Quetua, ang teachers mismatch ay bunsod ng ilang isyu kabilang ang budget at plantilla position sa mga public schools.
Mahirap at masakit aniya sa bawat guro na magturo ng hindi niya gamay o expertise.
Isa aniya sa mga nakakabahala ay pagtuturo ng Math subject ng non-Math teachers. Ang Mathematics ay isa sa mga pangunahing asignatura na dapat na tutukan.
“Iyong isa naming Araling Panlipunan e nagtuturo ng TVL (Technical-Vocational-Livelihood). Iyong isa naming teacher e nagtuturo ng HE (Home Economics), nagtuturo ng mga hindi niya major,” ani Quetua.
Sa asignatura ng English, alam ng Schools Division Offices na marami ang pangangailangan subalit konti lamang ang kinukuha.
Dahil dito, nais nilang makipagpulong sa DepEd upang masolusyunan ang isyu hinggil sa ilang oras na pagtuturo.
Naniniwala rin si ACT-Teachers party-list Rep. France Castro, na dapat bigyang prayoridad ang pangangailangan ng curriculum.
“Halimbawa sa high school, siyempre may mga subject area iyan of specialization... Ang nangyayari kasi ngayon, kahit na hindi ka mathematics ay ina-assign din minsan. So nagkakaroon tayo ng problema,” ani Castro.